Josie: Pagtutulungan ugat ng matatag na republika

Karaniwan nang naririnig ng publiko ang mahahaba at paulit-ulit na talumpati ng iba’t ibang pulitiko kaugnay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan taun-taon upang magbalik-tanaw sa kasaysayan ng ating bansa at maghatid ng mga panawagan upang tayo ay magkaisa.

Tulad ng inaasahan, muli nating narinig ang mensahe ng mga opisyal ng pamahalaan noong Hunyo 12 sa iba’t ibang makasaysayang pook dito sa bansa. At isa ang lalawigan ng Bulacan sa mga nagdaos ng seremonya partikular sa simbahan ng Barasoain na nasa lungsod ng Malolos.

“Pagkakaisa para sa matatag na republika.” Iyan ang tema ng okasyon ngayon para sa taong ito. Kaya naman puspusan ang pagmamalaki nina Cong. Willy Alvarado at Gov. Josie dela Cruz, mga dumalo sa pagdiriwang, patungkol sa “katapangang ipinamalas ng ating mga bayani upang ipaglaban ang ating bayan mula sa kamay ng mga mananakop.”

“Ang isang matatag na republika ay mag-uugat sa magkasamang pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan,” ani dela Cruz sa kanyang talumpati.

Subalit inamin naman ni Alvarado sa kanyang talumpati na ang bansa ay nahaharap sa isang matinding krisis katulad ng kahirapan na siyang dapat daw labanan kapara nang pakikibaka ng mga Pilipino noon para sa kalayaan.

“Philippines is the cradle of democracy in Asia,” buong pagmamalaking ipinahayag ni Speaker Jose de Venecia, panauhing pandangal, sa kanyang talumpati sa harap ng mga Bulakenyo. At pagkatapos ay saka binigyang-diin ang panawagan upang magkaisa para sa pagbabago ng konstitusyon sa lalong madaling panahon.

Kalayaan. Pagkakaisa. Demokrasya. Iyan ang pangunahing nilalaman ng kanilang mga panawagan katulad din ng saloobin nina Pres. Gloria Macapagal-Arroyo at Vice Pres. Noli de Castro at maraming lider ng ating gobyerno.

Karaniwan na nilang sinasabi na ang Pilipinas ay mapalad sapagkat ito ay ganap nang malaya. Ngunit sa pagkakataong ito ay inalam natin kung ang sinasabi nilang kalayaan ng  bayan ay tunay nga bang nararamdaman ng ating mga kababayan na may iba’t ibang uri ng takbo ng pamumuhay sa ating lipunan.

Ayon kay Elsa Malongis, 32, ina ng anim na anak sa Malolos, ay magiging makabuluhan lamang daw ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan kung ang mga katulad daw niyang kapus-palad ay makakawala sa tanikala ng kahirapan.

Ipinahayag naman ng isang guro mula sa Hagonoy na si Fe Faundo ang kanyang hinanakit sa mga taong hindi nakauunawa sa tunay na kahulugan ng kalayaan sapagkat marami raw talaga ang abusado, mapaniil, at matakaw sa lipunan na siyang umaagaw sa kalayaan ng maliit na tao.

Sa pananaw naman ng mga mag-aaral katulad ni Jeric Contreras, SK Kagawad at A.B. Philosophy student ng San Beda College, na ang ating bansa ayon sa kanya ay maituturing na malaya lamang kung ang hustisya, kapayapaan, at pagkakaisa ay nananaig sa lahat ng bagay.

“Malaya ang bansa natin kung hindi sinisikil ang karapatan nating kumilos bilang isang nagkakaisang bayan sa ilalim ng demokratikong sistema,” ani Contreras na isang lider-kabataan mula sa Hagonoy. “Subalit hindi handa ang mga Pilipino na isagawa at isabuhay ang tunay na diwa ng kalayaan,” dagdag pa niya.

May kaugnayan din dito ang pahayag nina Mavie Reyes at Amarie Tolentino, mga estudyante mula sa Bulacan State University at University of the Philippines na anila ang bansa ay magiging ganap na malaya lamang kung walang pumipigil sa tao na magpahayag ng kanilang saloobin lalo na para sa mga mamamahayag na siyang tagapag-alaga ng demokrasya.

“Kung iisipin, hindi pa rin tayo malaya lalo na sa ekonomikal at sosyal na aspeto,”ani Tolentino. Ito ay bunga lamang daw ng kanyang pagmamasid na ang ating mga kababayan ngayon ay nagdurusa dahil sa nakakulong tayo sa mababang antas ng ekonomiya.

At ayon naman sa mga mediamen na siyang karaniwang pinipigilang magpahayag dahil sa sunud-sunod na pamamaslang sa mga katulad nila ay hindi raw ito salamin ng tunay na kalayaan para sa bansa.

“Pero malaya pa rin tayong maituturing kung may mga tao pang katulad naming ni Dino Balabo na hindi takot magpahayag ng totoo,” ani Rommel Ramos, news anchor ng DZRH-Malolos.

Ang mga pahayag na ito ay ilan lamang sa saloobin ng ating mga kababayan patungkol sa kanilang paniniwala sa tunay na kahulugan ng pagdiriwang ng araw ng kalayaan.

Sa pangkalahatan, nais nilang sabihin na oo nga’t malaya na tayo sa literal na pananakop ng mga dayuhan subalit sa panahong ito ay nakakulong pa rin umano tayo sa hawla ng karukhaan, kawalan ng katarungan, at kasakiman. Dahil dito, nasira na umano ang tunay na diwa ng kalayaan na minsang ipinaglaban nina Rizal, Plaridel, at Bonifacio.

Dahil dito, nanawagan ang ating mga war veterans mula sa Malolos tulad nina Alejandro Cruz, Manuel Roxas, at Leonora Mendoza na “magkaisa sana tayo para sa kapayapaan na siyang salamin ng tunay na kalayaan- walang gulo at walang pagmamalabis.”

Leave a comment