We Film. We Move.

  • Ano ang nag-udyok sa iyo upang ilunsad ang ganitong uri ng film festival?

Bilang isang guro ng pelikula, nais kong magkaroon ng isang film festival kung saan maibabahagi ang mga proyektong likha ng aking mga mag-aaral sa ating mga manonood. Ito ay isa sa magsisilbing platform ng mga Communication students sa Far Eastern University upang mailabas at maipakita ang mga maiksing pelikula bunga ng kanilang pagsisikap ngayong semester na ito. Nagkataon na tayo ay humaharap ngayon sa pandemic kaya’t mahirap itong gawin nang tayo ay pisikal na magkakasama sana subalit hindi ito naging hadlang sapagkat ang film festival sa taong ito ay virtual edition, ibig sabihin sa pamamagitan lamang ng social media partikular ang aming Facebook Page ay mailulunsad na namin ang online film festival na ito.

Kakaiba rin ang uri ng film festival na ito dahil: (a) una, ang mga mapapanood dito ay “alternative cinema” o ang mga pelikulang naiiba at lumilihis sa mga kumbensyon at tradisyong nakasanayan na natin sa mainstream filmmaking; (b) ikalawa, ang layunin nito ay hindi para magbigay lamang ng aliw sa ating mga manonood kundi para magsilbing inspirasyon din sa lahat na maaari tayong gumawa at makapanood ng mga likhang sining na may pakialam sa mga isyung panlipunan o ang tinatawag nating “social advocacy cinema”.

Katunayan noong nakaraang taong 2019, buwan din ng Disyembre, ay nailunsad na rin namin sa kauna-unahang pagkakataon ang proyektong ito na tinawag naman naming Mulat Visual Communication Exhibit. 

  • Bakit mahalaga ngayon ang gampanin ng pelikula sa pag-organisa at pagmulat?

Ang pelikula ay isang mahalagang sining tulad din ng iba pa. Ito ay isa ring midyum na ginagamit natin sa larangan ng pangmadlang komunikasyon. Subalit higit pa sa pagbibigay ng aliw o entertainment, ang pelikula ay maaari ding magamit bilang isang instrumento sa pag-organisa at pagmulat ng ating mga tagapatangkilik. Sa pamamagitan ng paglikha ng mga pelikulang naglalaman ng iba’t ibang tema ng social advocacies katulad ng human rights o karapatang pantao, nagsisilbi itong “medium for consciousness-raising” sa ating mga manonood. Kapag napanood ng mga tao ang mga “social advocacy films” na ito, sila mismo ay magkaroon muna ng “self-reflection” upang mausisa ang kanilang mga sarili kung ano ang kanilang paninindigan sa mga “social and political issues” na ating kinakaharap ngayon. Bukod dito, dahil din sa pelikula ay maaaring magkaroon ng mga diskurso at diskusyon tungkol sa mga paksang nakakaapekto sa atin na dapat bigyan ng pansin. Mahalagang gampanin ito sapagkat mula noon at hanggang ngayon kabi-kabila pa rin ang mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao ng ating mga kababayan at hindi natin dapat tinutulugan lamang ang mga isyung ito. Tayong mga mamamayan ay marapat na palaging gising at mulat ang mga mata upang patuloy nating makita at mabantayan ang kalagayan ng ating bayan. 

“We film. We move.”

Isa itong panawagan na sa paglikha natin ng mga pelikula gaya ng mga film movements na nakilala sa kasaysayan ng World Cinema (e.g., French Impressionism, German Expressionism, Italian Neorealism, Soviet Montage, French New Wave, Third Cinema, Dogme ’95, at iba pa), mayroon din tayong mga isinusulong na mga adbokasya sa sining at panlipunang pagbabago. Ang mga film movements na aking nabanggit ay aming inspirasyon upang gumawa ng mga pelikulang malaya, mapagpalaya, at mulat sapagkat tayo ay may alam, may pakialam. Ito ang dahilan kung bakit tinatawag natin itong “Likhang Mulat Film Movements Festival.”

Katunayan, ang ilan sa ating mga pelikula at piling mga mag-aaral ay lumahok din sa YOUR TURN: National Youth Summit on Human Rights noong November 28-30, 2020. Ganoon tayo ka-seryoso sa ating pakikiisa sa mga panawagan ng ating komunidad na binubuo ng mga “human rights defenders.” 

  • Ano ang nais mong iwan na mensahe hindi lamang sa bawat estudyante ng FEU kundi pati na rin sa bawat Pilipino patungkol sa creative resistance?

Ang “creative resistance” ay isang kultural na gawain ng mga taong nagagamit ang talento sa sining katulad ng visual arts, musika, sayaw, pagtula, pagsusulat, panitikan, pelikula, at marami pang iba upang makapagpahayag ng mga saloobin at paninindigan tungkol sa mga isyung panlipunan at sa mga pang-aapi’t pag-abuso na mariin nating tinututulan. Ang bawat isa sa atin, hindi lamang ang mga taga-FEU, ay maaaring mag-alay ng ating mga likhang sining na malaya at mapagpalaya. Kahit sa simpleng pamamaraan lamang na mayroon tayo at sa simpleng pagbabahagi nito kahit sa social media katulad ng ginagawa ng Likhang Mulat Film Movements Festival ay malaking bagay na para maipabatid sa lahat na narito tayo, may alam at may pakialam, at nakikiisa sa hangaring magkamit ng panlipunang pagbabago. Ang hinahangad ng bawat isa sa atin ay pagbabagong may tunay na pag-ibig sa bayan, may paggalang sa mga karapatang pantao, at pagtigil ng anumang uri ng opresyon lalung-lalo na para sa mga nasa laylayan ng ating lipunan.

  • Ano ang iyong naramdaman ngayong kinilala ang Likhang Mulat ng PAHRA? Bakit?

Ako ay lubos na nagagalak sa pagkilalang ito ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA). Mahalaga ito sa amin dahil isa itong pag-validate sa mga adbokasyang isinusulong ng Likhang Mulat. Ibig sabhin tayo ay nasa tamang landas. Mula sa bumubuo ng Likhang Mulat, mga guro at mag-aaral sa FEU Department of Communication, maraming salamat sa pagkilalang ito. This is a recognition given by the Philippine Alliance of Human Rights Advocates “for the invaluable contribution of Likhang Mulat for the promotion of human rights thru artistic expression in utilizing social media, arts, and cinema.”

  • Ano ang mensahe o panawagan mo sa buong komunidad ng FEU matapos makilala ang Likhang Mulat?

Una sa lahat nagpapasalamat kami dahil ang mga adbokasya ng Likhang Mulat ay naaayon at kinikilala rin ng buong komunidad ng Far Eastern University. Tayo ay nasa isang pamantasang nagbibigay ng kalayaan sa kanyang mga guro at mag-aaral na magsulong ng mga gawaing kultural na sumasalamin sa ating mga makabayang adhikain. Kaya naman marapat lamang na gamitin natin ito nang tama at naaayon sa ikabubuti ng ating bansa. Ito ay repleksyon lamang ng mga makabuluhang bagay na itinuturo sa atin ng pamantasan. “Be brave”, tayo ay palaging magpakita ng katapangan at lakas ng loob sa gitna ng mga krisis na ito na ating pinagdaraanan lalo na ngayong panahon ng pandemya. Let us lead the charge as we recover better. 

  • Ano pa ang dapat asahan ng mga manonood at taga-suporta ng Likhang Mulat?

Maraming salamat po mga sumuporta ng Likhang Mulat mula sa pinakaunang edisyon nito noong 2019 hanggang ngayong magtatapos ang 2020. Kahit virtual lamang ang ating pagsasama-sama sa ngayon ay hindi ninyo kami iniwan. Kaya naman mula sa December 1-10, asahan po ninyo ang mga bagong short films na likha ng ating mga 2nd and 3rd year BA Communication students mula sa Introduction to Film at Theories in Cinema classes na mapapanood lamang sa https://www.facebook.com/FEUMulat. Maaari rin kayong mag-komento sa mga tema ng pelikulang ito o kaya naman ay i-share din natin ito upang mas marami pa tayong maabot sa social media. Ang proyektong ito ay hatid sa inyo ng Likhang Mulat Visual Media sa suporta at pakikipagtulungan ng FEU Department of Communication, FEU Film Society, at iDEFEND, at PAHRA.

*Full interview by FEU Advocate on December 2, 2020

Leave a comment